Kinumpirma ni dating PCO Secretary Trixie Cruz-Angeles na nagkasa ang China ng isang seminar para sa mga vloggers at social media influencers na pawang mga pro-Duterte noong 2023.
Sa pagdinig ng Tri-Committee, inusisa ni Deputy Speaker Jayjay Suarez ang dating Communications Secretary kaugnay sa state-sponsored seminar ng China.
Pag-amin ni Cruz-Angeles, sinagot ng National Radio and Television Administration (NRTA) of China ang naturang seminar, kung saan tinuruan aniya sila ng mga bagong trend sa social media gaya ng short-form video o mas kilala bilang reels.
Ang imbitasyon, ayon kay Cruz-Angeles, ay mula sa Chinese Embassy at taunan nang isinasagawa.
“They introduced new techniques in social media such as short-form videos, how to take them, and other technical aspects. They also gave a background on China,” sabi ni Cruz-Angeles.
Ilan sa mga kasama niya sa naturang seminar sina Pia Morato, Tio Moreno, Mark Lopez, at Atty. Ahmed Paglinawan.
Nang tanungin kung nagkaroon ba ng epekto sa kanilang perspektibo at trabaho ang naturang seminar, sinabi ni Cruz-Angeles na natutunan aniya niya rito ang patungkol lamang sa pagbuo ng mga maiikling video.
Samantala, ayon kay Mark Lopez, mas naintindihan umano niya kung paano gumagana ang media sa China.
Payo naman ni Suarez na sana’y gamitin ang kanilang mga natutunan para sa ikabubuti ng Pilipinas.
“At least inamin po ng ating resource persons na nakinabang po sila doon sa state-sponsored seminar, mas naintindihan nila ‘yung paggamit ng reels, ng trends, ng short videos. Ang pakiusap ko lang, itong dagdag na kakayahan na naibahagi po nila [China] sa inyo ay magamit ninyo para sa kapakinabangan ng bansang Pilipinas,” giit ni Suarez. | ulat ni Kathleen Forbes