Binigyan na ng go signal ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board ang panukalang proyekto ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pagpapalakas ng katatagan ng mga komunidad o ang Panahon ng Pagkilos: Philippine Community Resilience Project (PCRP).
Ang PCRP ay magiging kapalit ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) National Community-Driven Development Program (NCDDP) na layong patatagin ang mga komunidad sa anumang banta gaya ng kalamidad, krisis sa ekonomiya, at panganib sa kalusugan.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang suporta ng NEDA Board sa inisyatibong ito ay magtitiyak na mas magiging handa ang mga komunidad sa anumang krisis.
Sa ilalim ng proyekto, tututukan ng DSWD ang mga munisipalidad na may pinakamataas na poverty rate, gayundin ang most vulnerable areas.
Bibigyang-prayoridad din ng programa ang pangangalaga sa kalusugan at nutrisyon ng mga bata, gayundin ang inklusibong mga programa para sa mga Katutubong Pamayanan.
Inaasahang tatakbo ang proyekto mula 2025 hanggang 2030 at makikinabang dito ang humigit-kumulang 4.3 milyong kabahayan sa 500 munisipalidad sa 49 na lalawigan at 16 na rehiyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa