Nagpulong ngayong araw ang Metro Manila Council (MMC) kasama ang Department of Transportation (DOTr) at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa punong tanggapan ng MMDA sa Pasig City, ngayong araw.
Dito, kanilang tinalakay ang mga gagawing hakbang kaugnay ng napipintong rehabilitasyon sa buong Epifanio De los Santos Avenue (EDSA) sa susunod na buwan
Pinangunahan ni MMDA Chairperson, Atty. Don Artes ang pulong kasama si MMC Vice President at Navotas City Mayor John Ray Tiangco kasama si Transportation Secretary Vince Dizon at Public Works Undersecretary Roberto Bernardo.
Sa naturang pulong, hiningi ng MMDA, DOTr at DPWH ang opinyon, mungkahi at sentimiyento ng bawat lokal na pamahalaan sa gagawing rehabilitasyon na posibleng tumagal hanggang 2028.
Ayon kay Chairperson Artes, ngayon pa lamang mainam na paghandaan na ang inaasahang mas mabigat na daloy ng trapiko habang gumugulong ang rehabilitasyon ng EDSA.
Kanila nang ikinakasa ang pinaigting na information drive para sa gagawing rehabilitasyon at bukas din sila sa mga mungkahi lalo’t mahigpit ang atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking maiibsan ang paghihirap ng publiko.
Sa kaniyang panig naman, tiniyak ni Transportation Secretary Vince Dizon na tuloy-tuloy ang operasyon ng EDSA Bus Carousel sa sandaling mag-umpisa na ang EDSA rehab. | ulat ni Jaymark Dagala