Sinabi ni Senador Win Gatchalian na ang Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA) ay inaasahang magpapabilis sa pagbuo ng mga proyektong pang-imprastraktura na kinakailangan para mas lalong mapalago ang ekonomiya ng bansa
Ayon kay Gatchalian, dahil pinapadali ng RPVARA ang isang standard valuation ng real estate property, mas madali nang lutasin ang mga isyu sa right-of-way na kadalasang pangunahing dahilan ng pagkaantala sa pag-usad ng mga proyektong pang-imprastraktura.
Ipinaliwanag ng senador na ang RPVARA ay nagmamandato sa paggamit ng ‘schedule of market values’ (SMV) bilang tanging batayan sa pagtukoy ng valuation ng mga tunay na ari-arian ng gobyerno, at nagpasimple sa proseso ng pagresolba sa mga isyu ng right-of-way.
Bukod pa rito, ginawang centralized ng RPVARA ang sistema ng pagtataya ng ari-arian ng gobyerno sa ilalim ng Bureau of Local Government Finance (BLGF).
Giit ni Gatchalian, wala nang dahilan para maantala ang mga pangunahing proyekto sa imprastraktura na kailangan para mapalago ang ekonomiya at mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga pilipino. | ulat ni Nimfa Asuncion