Bumuwelta ang ilan sa lider ng Kamara sa ginagawa umanong drama ng mga kaalyado at supporters ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Diin ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre, hindi ito politikal, bagkus ay pananagutan sa kinakaharap na akusasyon.
“Ang simpleng argumento dito ay pumatay ka kaya dapat kang managot. Huwag gawing politika ang malinaw na krimen. Katarungan po para sa mga napatay ng fake drug war ang dapat na pagtuunan natin ng pansin at kanilang pamilya,” sabi ni Acidre.
Pinalagan ni Acidre ang mapanlinlang na naratibong pinapakalat ng mga kaalyado ng dating pangulo na ito ay paghihiganti, imbes na pagtuunan ang legal na merito ng kaso.
Imbes aniya na magpakalat ng ‘fake news’ ay dapat ay patunayan na lang nila sa korte na inosente ang dating Pangulo.
Giit pa niya na kung patuloy nilang gagamitin ang isyung ito bilang pulitikal na sandata, ipinapakita lang nila na wala silang malakas na depensa.
“No amount of rallies or propaganda can erase the fact that thousands were killed without due process. If Duterte believes he is innocent, he should prove it in court, not in the streets,” ani Acidre.
Sinegundahan din niya ang pahayag ni International Center for Transitional Justice Senior Associate Ruben Carranza na bigo ang kampo ni Duterte na maglatag ng legal na estratehiya at sa halip ay pinalalabas ang ICC proceeding bilang politikal na pag-atake.
“Tama si Ginoong Carranza. Hindi ito eleksyon. Hindi ito propaganda war. Ito ay paglilitis para sa buhay ng libo-libong Pilipino na minasaker nang walang paliwanag at walang due process,” dagdag ng mambabatas.
Diin niya na hindi mapapaikot ang ICC gamit ang political theatrics.
“They deal with politicized criminal cases all the time, yet they remain committed to the truth and the rule of law. That is what the former president should face – a legal battle, not a political one,” sabi pa ni Acidre. | ulat ni Kathleen Jane Forbes