Umarangkada na ngayong araw ang Salaknib at Balikatan Exercises 2025 or “SABAK” 2025 sa pagitan ng Philippine Army at US Army Pacific.
Ito ay matapos ang isinagawang joint opening ceremony sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija ngayong araw, na pinangunahan ni Army Vice Commander Major General Leodevic Guinid.

Ang SABAK 2025 ay nakatuon sa pagpapalakas ng Combined/Joint All-Domain Operations, warfighting capabilities, Humanitarian Civil Assistance, Information Operations, at Counter-Intelligence and Protection.
Ayon kay Philippine Army Col. Louie Dema-ala, tinatayang nasa 3,000 sundalo mula sa Philippine Army at 2,000 mga sundalo mula sa US Army Pacific ang lalahok sa iba’t ibang warfighting exercises.

Gaganapin ang Phase 1 mula March 24 hanggang April 11, at ang Phase 2 naman ay sa May 19 hanggang July 20 sa Fort Bonifacio, Taguig City at sa area of responsibility ng 5th Infantry Division (5ID) at 7th Infantry Division (7ID).
Tiniyak ng Philippine Army, na patuloy nitong paiigtingin ang pakikipagtulungan sa mga kaalyadong bansa sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kahandaang tumugon sa mga banta sa seguridad. | ulat ni Diane Lear