Giniit ni Senate President Chiz Escudero na walang dapat na pinapanigan ang sandatahang lakas ng Pilipinas na sinuman.
Sinabi ito ni Escudero kasabay ng pagpuna sa tila apela nina Vice President Sara Duterte sa AFP na kumampi sa kanila o magkaroon ng posisyon o paninindigan sa mga isyung kinasasangkutan ng kanilang pamilya.
Una na kasing kinuwestiyon ni VP Sara ang tila kawalan ng aksyon ng Presidential Security Command sa pagkakaaresto sa kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Escudero, umasiste lang ang AFP sa law enforcement operation ng PNP sa pagsisilbi ng warrant of arrest kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Dinagdag pa ng senador na ang AFP ay dapat lang tumayo sa likod ng chain of command at ng saligang batas.
Hindi aniya dapat makisali ang sandatahang lakas sa pulitika o pumabor sa anumang kulay.
Kaya naman umaasa ang senate leader na ititigil na ng magkabilang panig ang panunuyo sa sandatahang lakas. | ulat ni Nimfa Asuncion