Nagpaalala ang Securities and Exchange Commission (SEC) sa iskedyul ng pagsusumite ng annual financial statements (AFS) at general information sheets (GIS) ng mga korporasyon para sa taong 2025.
Batay sa SEC Memorandum Circular No. 1, Series of 2025 na inilabas nitong Marso, kailangang magsumite ng annual audited financial statements ang mga stock at nonstock corporations na may kabuuang assets o liabilities na hindi bababa sa P600,000.
Kasama rin sa kailangang magsumite ang mga sangay o kinatawan ng mga dayuhang korporasyon na may stock o nonstock na katayuan, basta’t may nakatalagang kapital o kabuuang assets na aabot sa P1 milyon.
Gayundin, ang mga regional operating headquarter ng foreign corporations na may kabuuang kita na P1 milyon o higit pa ay sakop ng alituntunin.
Para sa mga korporasyong hindi pasok sa nabanggit na halaga, maaaring magsumite ng AFS na pinatotohanan ng kanilang treasurer o chief financial officer.
Lahat ng stock at nonstock corporations ay kinakailangang magsumite ng kanilang AFS at GIS online sa pamamagitan ng SEC Electronic Filing and Submission Tool (eFAST) na matatagpuan sa efast.sec.gov.ph | ulat ni Melany Valdoz Reyes