Tiwala si Senate President Chiz Escudero na maipapanalo ng Office of the Solicitor General sa Korte Suprema ang legalidad ng 2025 General Appropriations Act o ang batas tungkol sa 2025 national budget.
Ang Office of the Solicitor General kasi ang tumatayong abogado ng Senado kaugnay ng petisyong inihain sa SC na kumukuwestiyon sa constitutionality ng 2025 GAA dahil sa nakitang blangkong bicameral conference committee report.
Nanindigan muli si Escudero na walang kuwestiyon sa naging pagbuo ng 2025 national budget dahil binibigyan ng awtoridad ang Senate Finance Committee at House Appropriations Committee na punuan ang mga gaps o blangko sa budget.
Ipinaliwanag ng Senate leader na matagal na itong ginagawa ng Kongreso upang hindi matagalan ang pag-apruba ng national budget.
Dati na ring nilinaw ni Escudero na walang blangko sa pinirmahang batas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaugnay ng 2025 national budget. | ulat ni Nimfa Asuncion