Hindi sang-ayon si Senate President Chiz Escudero na gantihan ng suspensyon ng tax privilege ang mga overseas Filipino workers (OFW) sakaling ituloy man ng mga ito ang bantang suspendihin ang kanilang remittances sa Pilipinas.
Sa isang pahayag, una nang sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na maaaring kanselahin ng Kongreso ang tax privilege o ang hindi pagbabayad ng income tax ng mga OFW kung itutuloy nila ang zero-remittance.
Bukod sa hindi sang-ayon dito si Escudero, hindi rin aniya ito pwedeng gawin ng Kongreso habang naka-session break.
Iginiit rin ng Senate leader na hindi naman ito isyu ng gantihan.
Kung nais aniyang pahupain at pababain ang emosyon at tensyon sa nangyayari sa pulitika, hindi tamang reaksyon ang gumanti at pumatol.
Binigyang-diin ni Escudero na ang tamang reaksyon ay ang lawakan ang pang-unawa, intindihin, at tanggapin ang sitwasyon.
Dapat aniyang hikayatin ang mga OFW na humanap ng ibang paraan para mailabas ang kanilang saloobin dahil, sa huli, ang maaapektuhan ng zero-remittance ay ang pamilya ng mga OFW at ang kabuuang ekonomiya ng Pilipinas. | ulat ni Nimfa Asuncion