Tiniyak ni Senate President Chiz Escudero na aaksyunan nila nang naaayon at sa tamang panahon ang petisyong ipinadala ng House Prosecutors para maglabas ng writ of summons kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Escudero, sa ngayon ay hindi pa niya nakikita ang ipinadalang petisyon ng Kamara.
Sinabi ng Senate leader na ire-refer niya ito sa Senate Legal Team at bukas ay nakatakda nila itong talakayin.
Base sa mosyon na isinumite ng House Prosecutors, hinihiling kay SP Escudero, na siyang tatayong presiding officer ng Senate Impeachment Court, na atasan si VP Sara na tumugon sa Articles of Impeachment sa loob ng sampung araw matapos matanggap ang writ of summons.
Mahalaga anila ang hakbang na ito upang mamandato ang Bise Presidente na tumugon sa Articles of Impeachment at maiwasan ang anumang pagkaantala sa paglilitis. | ulat ni Nimfa Asuncion