Pinatitiyak ni Senate President Chiz Escudero sa mga embahada ng Pilipinas sa Myanmar at Thailand na matutukoy ang lahat ng mga Pilipino sa naturang mga bansa matapos ang higit magnitude 7 na lindol na tumama doon.
Ipinunto ng Senate President na marami pang mga Pilipino ang hindi pa accounted hanggang ngayon kaya dapat magdoble-kilos ang mga otoridad.
Sinabi rin ni Escudero na dapat siguruhin ng mga embahada ng Pilipinas sa Yangon at Bangkok na alam nila ang sitwasyon sa kanilang areas of jurisdiction at maibibigay nila ang kinakailangang tulong sa mga Pilipino doon—nagtatrabaho man, naninirahan, o bumibisita lang sa mga nasabing bansa.
Kabilang aniya sa mga dapat na tulong na ibigay ang psychosocial support sa mga survivor.
Kasabay rin nito ang pakikisimpatya at pakikiramay ng Senate President sa mga gobyerno ng Myanmar at Thailand, lalo na sa mga pamilya ng mga nasawi dahil sa malakas na lindol. Binigyang-diin ni Escudero na sa matagal na panahon ay naging maayos na hosts ang dalawang bansa sa mga OFW, at bilang kapwa miyembro ng ASEAN (Association of Southeast Asian Nations), itinuturing natin silang higit pa sa kapitbahay kundi bilang bahagi ng ating community of nations. | ulat ni Nimfa Asuncion