Hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Konsulado ng Pilipinas sa Myanmar na paigtingin ang hakbang para matukoy ang kinaroroonan ng mga Pilipinong hindi pa nahahanap, matapos ang malakas na lindol sa naturang bansa.
Sinabi rin ni Gatchalian, na bagamat walang napaulat na Pilipino casualty sa Thailand na nakaranas rin ng malakas na lindol, dapat ring kumilos ang DFA at ang Philippine Embassy at asistehan ang mga kababayan natin na apektado ng lindol.
Kasabay naman nito ay pinuri ng senador ang pamahalaan sa pagpapadala ng humanitarian assistance team sa mga apektadong lugar sa nabanggit na mga bansa.
Giit ni Gatchalian, bilang miyembro ng ASEAN ay dapat lang na lagi tayong nakahandang tumulong at sumuporta sa mga humanitarian effort sa rehiyon.
Hindi lang aniya dapat sa mga kababayan natin ang tulong kung hindi dapat ay para rin sa lahat ng apektado ng lindol. | ulat ni Nimfa Asuncion