Itinuturing ni Senate Committee on Basic Education Chairman Senador Sherwin Gatchalian na welcome development ang hakbang ng Department of Education (DepEd) para maresolba ang mga discrepancies sa Senior High school Voucher Program (SHS-VP).
Reaksyon ito ng senador sa pagpapasaklolo ng DepEd sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng mga sinasabing ghost students na benepisyaryo ng programa.
Umaasa si Gatchalian na sa tulong ng gagawing imbestigasyon ng NBI ay malalantad ang mga taong nanloloko sa pamahalaan.
Binigyang diin ng mambabatas na oras na matukoy ang pagkakakilanlan ng mga sangkot sa modus na ito, ay dapat silang maparusahan at makulong.
Hindi aniya tamang ang pondong inilalaan ng gobyerno para sa pangangailangan ng ating mga kababayan at mga estudyanteng nagsisiksikan sa mga pampublikong paaralan ay napupunta lang sa mga hindi naman totoong nag-aaral.
Muli namang pinanawagan ni Gatchalian ang paglalabas ng bagong guidelines para sa SHS-VP para tunay na maiprayoridad ang mga pinakamahirap na mag mag-aaral at makatulong na ma-decongest ang mga public school sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion