Wala pa ring konkretong sagot ang Bureau of Immigration (BI) tungkol sa kung paanong nakalabas ng bansa noong nakaraang taon si Alice Guo o Guo Hua Ping at ang kanyang mga kapatid.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice tungkol sa naturang usapin, ipinahayag ni Hontiveros ang kanyang pagkadismaya dahil hanggang ngayon ay wala pang kumpletong report ang BI tungkol sa naging pagtakas nina Guo.
Hanggang ngayon ay wala pa ring konklusyon ang BI kung sino sa mga opisyal ng gobyerno ang tumulong para makatakas ang mga Guo.
Kaya naman binigyan ni Hontiveros ng ultimatum na labing-limang (15) araw ang BI para bigyang-linaw at makakuha ng konkretong impormasyon tungkol dito.
Babala ng senadora, kung walang satisfactory na sagot ang BI sa loob ng binigay niyang palugit, irerekomenda niya sa committee report ang balasahan sa ahensya. | ulat ni Nimfa Asuncion