Naniniwala ang isang mambabatas na dapat nang magdesisyon si Sen. Imee Marcos kung saang politikal na grupo ba talaga siya panig.
Sa isang online press conference, sinabi ni Iloilo Rep. Janette Garin na naiintindahan naman niya kung bakit pinili ni Sen. Marcos na hindi dumalo sa campaign sortie ng Alyansa sa Tacloban kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ngunit kasabay nito, dapat na rin aniyang linawin ng senadora kung saan ba talaga ang kaniyang panig.
“Naiintindihan ko yung kanyang mga nararamdaman. But I think the bigger problem that Senator Imee Marcos has is yung pagbalanse ng kanyang sarili at kanyang politika. Kasi usually sa politika iba-iba kasi ang paniniwala. Ako, sa politika ang paniniwala ko is take a stand. Go with what you believe and join the group that you believe in… Sa politika kasi that’s a deadly combination. Kasi dapat tumayo ka e, if you are on the right side, kung nasa pula ka, sa pula ka. Kung nasa puti ka, sa puti ka,” ani Garin.
Sa pagtaya ng lady solon, maaaring sinusubukan pang kumuha ng boto ng senadora sa mga taga-Mindanao.
“in this case siyempre lalo na’t kailangan mo pa ng karagdagan na boto, she cannot afford to lose the votes of the Duterte supporters. So, pag makita siya na nandidito sa Alyansa at merong emosyon ngayon, baka mawala yung tyansa ng vote na iyon. Pero kung nandidito naman siya na talagang openly defending the former president, mawawala naman yung suporta ng Alyansa sa kanya. So, yan ang kanyang malaking dilemma. Kailangan niya lang magdesisyon.” sabi pa ng Iloilo representative.
Para kay Garin, mas rerespetuhin ng taumbayan kung magkakaroon ng pagtindig ang Senadora at mas makakatutok sa direksyon ng kaniyang kampanya.
“Pag ganun kasi ang direksiyon ikaw mismo malilito sa iyong kampanya. Ikaw mismo malilito sa iyong direksiyon. And hindi ko mapicture out if she is doing that, yung kanyang pahayag because of the Duterte votes in Mindanao or yun ba ay talagang kanyang nararamdaman. I believe it’s time for the Senator to really decide. Kasi kung ano man ang tatahakin niya, people will respect and believe in you more if you take one stand para makatutok na Talaga siya kung saan yung direksiyon ng kanyang kampanya,” sabi pa niya.
Kasama sa labindalawang kandidato na ikinakampanya ng Alyansa ng Bagong Pilipinas si Sen. Imee Marcos kahit pa ang deklara ito na tumatakbo siya bilang independent candidate. | ulat ni Kathleen Forbes