Tutol si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa suhestiyon na suspendihin ang tax privilege ng mga OFWs na makikilahok sa panawagang zero-remittance o hindi muna pagpapadala ng pera sa Pilipinas.
Ayon kay Pimentel, bilang isang mambabatas ay hindi niya kailanman babawiin ang tax exemptions na iginawad na sa mga OFW.
Giit ng minority leader, ang perang kinita ng mga OFW ay sa kanila at dapat silang hayaan na i-enjoy o gawin ang anumang nais nila sa kanilang pera. Binigyang diin rin ng senador na itinuturing nating modern day heroes ang mga OFW.
Bayani sila hindi dahil nagpapadala sila ng pera sa Pilipinas, kundi dahil sila ay halimbawa ng pagsusumikap, sakripisyo, at pagmamahal sa pamilya at sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion