Pinahayag ni Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial candidate at Senate Majority Leader Francis Tolentino na bukas pa rin ang kanyang linya para kay Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa kung nais nitong humingi sa kanya ng legal advice.
Matatandaang dati nang inalok ni Tolentino ang kanyang sarili para maging abugado ni Senator Bato kaugnay ng kasong kinakaharap niya sa International Criminal Court (ICC).
Sa pulong balitaan ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Trece Martires, Cavite, sinabi ni Sen Tol na sa ngayon ay hindi pa sila nagkakausap ni Dela Rosa kasunod ng paglalabas ng warrant at pag-aresto ng ICC kay dating Pangulong Duterte.
Bukod kay FPRRD, isa rin si Dela Rosa sa mga respondent sa kasong Crimes Against Humanity para sa umano’y mga Extra Judicial Killings (EJKs) na nangyari noong Duterte Administration.
Sa ngayon ay wala pa namang inilalabas na Warrant of Arrest laban kay Senator Bato at iba pang respondent sa kaso. | ulat ni Nimfa Asuncion