Tiniyak ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na kumikilos na ang Senado kaugnay ng panukalang batas na gawing krimen at mapatawan ng mabigat na parusa ang pagpapakalat ng fake news.
Ayon kay Estrada, kasalukuyan nang nasa Senate Committee on Public Information and Mass Media ang panukala tungkol dito.
Kabilang ang inihain niyang Senate Bill 1296 sa mga dinidinig na ng naturang komite.
Sa ilalim nito ay isinusulong na maidagdag ang pagpapakalat ng fake news sa mga krimeng itinatakda ng Cybercrime Prevention Act at papatawan ng anim hanggang labindalawang taong pagkakakulong.
Sinabi ng senador na sisikapin nila itong maisabatas dahil panahon nang patawan ng mabigat na parusa ang nagpapakalat ng pekeng impormasyon sa social media at ginagawa na itong hanapbuhay.
Tinukoy rin ni Estrada ang resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong Marso na nagsasabing nasa 59 porsyento ng mga Pilipino ang naniniwalang seryosong problema na ang fake news. | ulat ni Nimfa Asuncion