Dapat lang na maibalik sa Pilipinas at mapanagot dito sa ating bansa ang mga nagpapakalat ng fake news.
Sinabi ito ni Senador Sherwin Gatchalian kasabay ng pagpapahayag ng suporta sa hakbang ng National Bureau of Investigation (NBI) na humingi ng tulong sa Interpol para mahabol at mahuli ang mga nagpapakalat ng fake news.
Giit ni Gatchalian, walang hangganan ang kamay ng batas.
Babala ng senador sa mga nagpapalaganap ng fake news o maling impormasyon, saan man sila naroroon, mag isip isip na kayo.
Wala na aniya silang pagtataguandahil tutugisin sila ng mga otoridad at hindi na nila matatakasan ang batas kahit pa sa ibang bansa sila mag operate.
Binigyang diin ni Gatchalian na may totoong pinsala ang fake news gaya ng pagkasira ng reputasyon, pagmanipula ng opinyon ng publiko at banta rin ito sa national security.
Kaya naman tama lang aniya ang pagpapatupad ng matinding crackdown sa mga kumikita mula sa panloloko at pagmamanipula ng iba. | ulat ni Nimfa Asuncion