Isinusulong ni Senador Joel Villanueva na maimbestigahan sa Senado ang tungkol sa pagkaka-expire at pagkakasayang ng mga gamot at medical supplies ng Department of Health (DOH) noong 2023, na umabot sa halagang ₱11.18 bilyon.
Sa inihaing Senate Resolution 1326 ni Villanueva, tinukoy niya ang ulat ng Commission on Audit (COA) tungkol dito.
Sa ulat ng COA, ipinunto na ang paulit-ulit na problema ng underutilization ng mga healthcare product ay resulta ng kakulangan sa procurement planning at mahinang pamamahagi at monitoring system ng DOH.
Nakasaad rin sa COA report na ang pag-aaksayang ito sa resources ng gobyerno ay malaking balakid sa misyon ng health department na makabuo ng produktibo at people-centered healthcare system.
Ayon kay Villanueva, hindi katanggap-tanggap ang mahinang procurement at pagpaplano ng DOH, lalo na’t malaking halaga ang inilalaan para sa pagbili ng mga gamot at medical supplies na ito.
Kaya naman, nais ng senador na maimbestigahan ito sa Senado upang mapanagot ang mga opisyal na sangkot sa pagkakasayang ng bilyong pisong halaga ng resources ng gobyerno. | ulat ni Nimfa Asuncion