Handa ang Senate Office of the Sergeant at Arms na magbigay ng seguridad kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kung nangangailangan ito ng security.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Senate President Chiz Escudero na kung hihilingin ni Dela Rosa, maaaring magtalaga ng tauhan mula sa Office of the Sergeant at Arms (OSAA) para magbigay ng seguridad sa senador.
Paliwanag ni Escudero, bahagi naman ito ng mandato ng OSAA.
Una nang sinabi ni Dela Rosa na inalisan na siya ng police security detail sa Davao.
Sinabi ng Senate President na nasa 80 ang mga tauhan ngayon ng OSAA.
Nakadepende aniya sa antas ng banta sa isang senador ang deployment ng magbabantay dito. | ulat ni Nimfa Asuncion