Ipinanawagan ng Department of Energy (DOE) sa mga konsyumer sa Luzon na magtipid ng kuryente ngayong weekend kasabay ng naka-iskedyul na shutdown ng dalawang natural gas power plants mula Marso 29 hanggang Marso 31.
Ayon sa DOE, titigil pansamantala ang operasyon ng South Premiere Power Corporation (SPPC) at Excellent Energy Resources Inc. (EERI) upang bigyang-daan ang maintenance sa Linseed Field Corporation LNG terminal. Inaasahang babalik sa grid ang EERI sa Linggo ng gabi, habang susunod ang SPPC makalipas ang halos isang oras.
Bagamat pinlano ang shutdown para maiwasan ang malawakang kakulangan ng supply, maaaring tumaas pansamantala ang presyo ng kuryente sa spot market.
Ayon naman sa Meralco, sapat ang reserbang supply sa kabila ng shutdown, ngunit handa silang ipatupad ang Interruptible Load Program kung kinakailangan.
Samantala, nagbabala ang PAGASA sa mas mainit na panahon matapos ang pagtatapos ng amihan, na posibleng magdulot ng mas mataas na konsumo ng kuryente.
Upang maiwasan ang anumang aberya, hinikayat ng DOE ang publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente sa pamamagitan ng simpleng hakbang gaya ng paggamit ng natural na liwanag at pagseset ng aircon sa 24-26°C. Patuloy rin umanong magbibigay ng updates ang DOE sa sitwasyon ng supply ng kuryente sa Luzon. | ulat ni EJ Lazaro