Pormal nang naideposito ng Commission on Elections (COMELEC) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang Final Trusted Build Source Codes para sa nalalapit na Pambansa at Lokal na Halalan sa Mayo 12, 2025.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa Republic Act No. 8436 na inamyendahan ng R.A. No. 9369, o ang “Automated Elections System Act.”
Kabilang sa mga naidepositong source codes ay ang para sa Automated Counting Machine (ACM), Consolidation and Canvassing System (CCS), Election Management System (EMS), Secure Electronic Transmission System (SETS), at Online Voting and Counting System (OVCS).
Ang mga ito ang bumubuo sa Automated Election System ng bansa.
Ginawa ang seremonya ng deposito sa punong tanggapan ng BSP sa Maynila na pinangunahan nina COMELEC Chairman George Erwin M. Garcia at BSP Officer-in-Charge Elmore O. Capule.
Nagsilbing saksi sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), National Movement for Free Elections (NAMFREL), at mga miyembro ng media.
Bago ang aktwal na deposito, nilagdaan muna ng COMELEC at BSP ang kasunduan para sa escrow agreement.
Ang mga source code ay nasa anyo ng digital media storage devices at dumaan sa masusing Full Final Trusted Build International Certification at Local Source Code Review. Layunin nitong tiyakin ang integridad, katumpakan, at pagiging bukas sa pagsusuri ng mga proseso ng halalan. | ulat ni Melany Reyes