Idudulog ng Malacañang sa Department of Justice (DOJ) kung ano ang nararapat na susunod na hakbang kaugnay sa mga reklamong kinahaharap ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Pahayag ito ni Communications Undersecretary Atty. Claire Castro nang tanungin kung ano ang magiging hakbang ng gobyerno ngayong iginigiit ni Roque na hindi pa rin siya maaaring obligahin ng Pilipinas na magbalik bansa, kahit hindi siya kasama sa legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, lalo’t maituturing aniya siyang asylum seeker.
“Mas maganda po talaga since hindi naman po siya parte ng legal team ni dating Pangulong Duterte, hindi ba iyan ang kaniyang dahilan kung bakit hindi siya uuwi. Mas maganda pong umuwi muna siya dito at patunayan niya po talaga na siya po ay walang kasalanan.” -Usec. Castro
Ayon kay Usec. Castro na sa kasalukuyan, hanggat wala pang kaso kay Roque, hindi pa ito maituturing na fugitive.
Hindi rin aniya mahihiling sa Interpol na magkaroon ng Red Notice, kaya’t mainam na idulog na muna sa DOJ ang angkop na legal action.
“Hangga’t wala po kasing kaso, hindi siya maituturing na fugitive. Hindi naman po natin mahihiling sa Interpol na magkaroon ng Red Notice – most probably Blue Notice. Pero isasangguni po muna natin sa DOJ kung ano po iyong susunod nilang hakbang.” -Usec Castro
Kaugnay nito, muling pinayuhan ng opisyal si Roque na bumalik na ng bansa at ipagtanggol ang kaniyang sarili.
“Sabi nga po natin, siya mismo po ang nag-amin, siya po amismo – galing sa kaniyang bibig ang mga kuwento, ang mga dokumentong kaniyang sinabi sa QuadCom hearing. Hindi po ba mas maganda na siya na rin po ang mag-present nito para mapatunayan niyang siya ay malinis.” -Usec. Castro | ulat ni Racquel Bayan