Nagtipon-tipon sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga miyembro ng mga transport group na Pasang Masda, Altodap, Acto, Busina at Curoda para ipanawagan sa Department of Transportation (DOTr) na ipagpatuloy ang Public Transport Modernization Program (PTMP).
Bitbit ng mga ito ang iba’t ibang banners na may mga mensahe sa pamahalaan. Kabilang dito ang marami na ang consolidated at huwag hintaying sila pa ang magtigil pasada.

Punto ni Ka Obet Martin, Presidente ng Pasang Masda, marami na ang tumaya sa modernization program at sila ay maayos na naglilingkod sa mga commuter kaya walang dahilan para ipatigil ito.
Ayon din kay Ka Obet, bukas sila laging makipagdayalogo sa pamahalaan para sa ikabubuti ng PTMP.
Sinalubong naman ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz III ang mga transport group na nagsagawa ng support rally.
Ayon kay Chair Guadiz, patunay ito na marami ang nakikiisa sa programa ng gobyerno at napapakinabangan na ito sa tulong ng pumapasang modern jeeps. | ulat ni Merry Ann Bastasa
