Ipinag-utos ng Korte Suprema sa Commission on Elections (COMELEC) na tanggapin ang certificate of candidacy (COC) ng isang miyembro ng Indigenous Peoples ng Zambales.
Sa inalabas na desisyon ng SC ngayong Martes nakasaad na nagkaroon ng grave abuse of discretion ang poll body nang hindi nito tanggapin ang COC ni Chito Bulatao Balintay.
Si Balintay ay naghain ng COC sa huling araw ng filing at may 25 minuto na lamang ang natitira bago magsarado.
Pero dahil kulang ng isang kopya ang kaniyang COC at walang documentary stamps kaya’t pinakumpleto sa kanya ito.
Pagbalik ni Balintay late na siya ng 3 minuto at hindi na tinanggap ang kanyang COC.
Ayon sa SC, hindi katanggap-tanggap ang pagiging istrikto ng COMELEC sa nangyari kaya dapat lamang baliktarin ang kanilang desisyon.
Sa ilalim ng Section 37 ng COMELEC Resolution No. 111045, hindi kasi tatanggapin ang hindi kumpletong COC kahit na isinumite ito sa takdang oras.
Dapat din daw araling muli ng poll body ang kanilang rules at dapat handa sila sa mga mabilisang desisyon lalo na sa mga hindi inaasahang pangyayari na makakaapekto sa mga botante. | ulat ni DK Zarate