Tinuligsa ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang ginawang paghahain ng kaso ng ilang social media personality laban sa kaniya at iba pang miyembro ng House Tri Committee.
Giit ni Barbers, ginagawa lamang nila ito para sirain ang nasimulang laban ng komite kontra fake news at disinformation.
“Malinaw dito na gusto nilang gamitin ang mga Korte na fodder o panangga sa kanilang pagpapa-kalat ng kasinungalingan at paninirang puri ng mga tao na kontra o di umaayon sa kanilang mga politikal na adhikain,” giit ni Barbers.
Kumpiyansa naman ang mambabatas na walang makikitang merito sa libel case laban sa kaniya.
Unang una, ni wala aniya siyang pinangalanan indibidwal sa kaniyang privilege speech at kahit pa sa mga panayam.
Kaya tanong tuloy ng kongresista, bakit sila tinatamaan kung hindi sila guilty.
“If those who filed the libel cases against me all felt alluded to as narco-vloggers, then it could be seen or interpreted that indeed they were. Bakit kayo masasaktan kung hindi kayo guilty?” ani Barbers.
Diin pa niya na lagi siyang tumatalima sa probisyon ng Saligang Batas na kalayaang magpahayag, ngunit hindi aniya ito dapat gamitin para manira ng reputasyon, magbitaw ng mga mura at magpakalat ng maling impormasyon lalo na kung sila ay binabayaran para gawin ito.
Hiling ng mambabatas sa publiko na huwag basta maniniwala sa mga content creators na nagmumura, sinisiraan at nagkakalat ng kasinungalingan laban sa kanilang mga subjects sa social media at one-sided lang ang storya. | ulat ni Kathleen Forbes