Kinordon na ng mga tauhan ng PNP at DILG ang luma at bagong city hall ng Urdaneta City, Pangasinan.
Ito ay makaraang ipag-utos ni DILG Secretary Jonvic Remulla kay DILG Region 1 Director Jonathan Leusen ang pagpapatupad ng utos ng Malacañang na one-year suspension laban kina Urdaneta City Mayor Julio Parayno Jr. at Vice Mayor Jimmy Parayno kaugnay ng kasong grave misconduct at grave abuse of authority.
Nakasaad sa ipinalabas na kautusan ni Secretary Remulla na hindi na maaaring pumasok sa city hall at extension office nito ang magpinsang Parayno.
Matatandaang una nang nagbigay ng 10 araw na ultimatum sai Secretary Remulla dahil sa patuloy na pagsuway ng mga Parayno sa utos ng Malacañang.
Epektibo pa noong Enero ang one-year suspension order matapos mapatunayang guilty ang mga Parayno dahil sa iligal na pagpapalit sa posisyon ni Punong Barangay Michael Brian Perez bilang presidente ng Liga ng mga Barangay noong 2022 at pinalitan ito ng kanilang kaalyadong indibidwal.
Nakapagtala na rin ang DILG ng acting mayor at acting vice mayor bilang pansamantalang kapalit ng magpinsang Parayno.
Kaugnay nito, sinabi ni Atty. Romeo Benitez, Undersecretary for Legal Affairs ng DILG, na wala nang hurisdiksyon ang mga Parayno na gumanap sa kanilang posisyon mula January 7, nang igawad ng DILG ang suspension order laban sa kanila.
Pag-aaralan umano ng DILG ang posibleng kaso na maaaring nalabag ni Parayno matapos itong maglabas ng mga utos sa loob ng mga araw ng kanyang suspensyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa