Sinimulan nang ilatag ng 12 kilalang panciteria sa Malabon ang kanilang mga ipinagmamalaking putaheng pancit para sa opisyal na Guinness World Record attempt ng lungsod sa pinakamahabang linya ng mangkok ng noodles.
Ito ay sa pangunguna ni Malabon Mayor Jeannie Sandoval kung saan present ang official adjudicator ng Guinness na si Sonia Ushirogochi.
Kasalukuyan itong isinasagawa sa Malabon Sports Complex kung saan tampok ang sikat na Pancit Malabon mula sa iba’t ibang culinary partners ng LGU.
Target na makabuo ng 6,000 na mangkok ng Pancit Malabon para malagpasan ang record na kasalukuyang hawak ng Jinshi Beef and Rice Noodles Association ng China na halos 4,000 mangkok.
Ayon naman kay Mayor Jeannie Sandoval, ang record attempt na ito ay hindi lamang tungkol sa titulo kundi patunay din ng dedikasyon at pagbabayanihan ng bawat Malabueño.
Tiniyak naman ng LGU na ligtas kainin ang bawat mangkok sa pamamagitan ng mahigpit na inspeksyon at quality control.
Matapos din ang official attempt ay ipapamahagi ang pagkain sa bawat residente. | ulat ni Merry Ann Bastasa