Iminumungkahi ni Senate Committee on Migrant Workers Chair Senador Raffy Tulfo sa Department of Migrant Workers (DMW) at Bureau of Fire Protection (BFP) na bumuo ng isang task force na magsasagawa ng regular na inspeksyon sa accommodation houses ng overseas at local manpower agencies sa bansa.
Ito ay para aniya matiyak ang makatao at disenteng living condition para sa mga kababayan nating nakatakdang mangibang-bansa at mga lokal na domestic workers.
Sa naging pagdinig ng komite ni Tulfo, una nang pinuna ni Tulfo ang ilan sa mga nabisita nilang accommodation houses kung saan personal niya mismong nakita ang kalunos-lunos na kondisyon ng ilang mga nanunuluyan doon.
Ang ilan aniya ay nagsisiksikan sa isang maliit na espasyo, kinakandaduhan ng gate kapag gabi, at walang fire extinguisher at fire escape.
Sinabi naman ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na nasa 27 accommodation houses na ang naalis nila sa kanilang opisyal na listahan dahil sa iba’t ibang mga paglabag.
Sa ngayon ay anim na lang aniya ang nananatiling rehistrado sa DMW.
Tiniyak din ng ahensya na iniinspeksyon nila ang accommodation houses bago ito payagang makapag-operate. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion