Arestado ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tatlong Chinese national, kabilang ang isang dating miyembro umano ng militar, matapos magpakilalang konektado sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) para mangikil.
Hinuli ng CIDG-NCR sa isang entrapment operation sa Macapagal Boulevard, Pasay City ang mga suspek na sina Changhao He, Yong Pin Pang, at Ming Wei Xiong, na dating umano aktibo sa People’s Liberation Army.
Nag-ugat ang operasyon sa sumbong ng kapwa nila Chinese na inalok umano ng isa sa mga suspek ng tulong upang mapalaya ang kaibigan nitong nasa loob ng PAOCC Custodial Facility.
Nanghingi umano ang suspek ng P5 milyon kapalit ng transaksyon, ngunit hindi nito natupad ang pangako. Sa halip, nanghingi pa ito ng karagdagang P2.5 milyon, kaya humingi na ng tulong ang biktima sa mga awtoridad.
Sinubukan namang pigilan ng dalawang kasama ng suspek ang pag-aresto ng CIDG, kaya inaresto rin sila sa kasong obstruction of justice. | ulat ni Diane Lear