Pinaalalahanan ngayon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang lahat ng taxpayer na asikasuhin na ang kanilang 2024 Income Tax Return (ITR) bago ang deadline sa April 15, 2025.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., marami nang opsyon ngayon ang mga taxpayer gaya ng e-Filing facilities sa pamamagitan ng Electronic BIR Forms (eBIRForms) o Electronic Filing and Payment System (eFPS).
Para sa mga taxpayer na walang internet access, maaari namang gamitin ang eLounge facility sa kani-kanilang Revenue District Office (RDO).
Bukas na rin ang Electronic Filing (e-Filing)/Tax Assistance Center sa BIR National Training Center (NTC) Auditorium (sa loob ng BIR Compound sa Senator Miriam P. Defensor-Santiago Avenue, Quezon City).
Bilang suporta sa BIR ngayong tax filing season, magbubukas din ang Authorized Agent Banks sa dalawang Sabado (Abril 5 at Abril 12, 2025) at magpapalawig ng banking hours.
Ayon kay Comm. Lumagui, pinadadali na nila para sa taxpayers ang pagsusumite at pagbabayad ng buwis. | ulat ni Merry Ann Bastasa