Upang matugunan ang mabilis na pagbabago sa industriya at labor market, inilunsad ng TESDA ang micro-credentialing sa pamamagitan ng TESDA Circular No. 077-2024.
Sa sistemang ito, maaaring makakuha ng modular certifications ang mga manggagawa para sa partikular na kasanayan, nang hindi kinakailangang tapusin ang buong kurso. Ayon kay TESDA Director General Kiko Benitez, mas mabilis, flexible, at tugma sa pangangailangan ng industriya ang ganitong paraan ng pagsasanay.
Nakinabang na ang anim na rehiyon sa pilot run, kabilang ang NCR, Region 3, Region 4-A, Region 7, Region 10, at Region 11. Sa kasalukuyan, may 102 na micro-credential programs na inaprubahan sa 57 na institusyon.
Layon ng TESDA na palakasin ang ugnayan sa mga industriya at tiyaking may sapat na kasanayan ang mga manggagawang Pilipino upang makasabay sa nagbabagong ekonomiya. | ulat ni Lorenz Tanjoco