Handa ang Tiktok Philippines na makipag-ugnayan sa Tri Committee ng Kamara para masugpo ang nagkalat na fake news.
Sinabi ni Tiktok Policy Manager Peachy Paderna sa isinagawang hearing ng Tri Comm na hindi nila hahayaan na magamit ang kanilang social media platform upang magkalat ng maling impormasyon na nagdudulot ng panganib sa mga indibidwal at lipunan.
Sa naturang pagdinig, ibinunyag din ni Paderna na mahigit apat na milyong videos na ang kanilang tinanggal mula July hanggang September 2024 dahil sa paglabag sa community guidelines.
Paliwanag ni Paderna, ang mga video ay dumaraan muna sa mabilisang pagsusuri gamit ang teknolohiya bago ito ma-upload.
Dagdag pa niya, umaaasa rin ang Tiktok sa mga independent fact-checkers at ulat mula sa komunidad upang matukoy ang fake news.
Giit ng Tiktok official, makikipagtulungan sila sa Tri Committee upang makuha ang links ng mga video upang maendorso sa kinauukalang department ng platform.
Batid ng Tiktok official na marami pang dapat gawin upang labanan ang disinformation. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes