Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang suspek na sinasabing may kinalaman sa pag-recruit ng mga Pilipino para gawing scammer sa ibang bansa.
Ayon kay Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, kinalala ang mga suspek na si alias ‘Fiona’ na nadakip sa Zamboanga matapos ituro ng mga biktima bilang tagapag-ayos ng illegal na paglabas ng bansa.
Samantala, si alias ‘Jon Jon’ naman ay kabilang sa mga na-repatriate noong Marso 26, ngunit kalaunan ay kinilala bilang isa sa mga recruiter na nagdala ng mga Pilipino sa Myanmar upang gawing scammers.
Sa kabuuan, 206 na biktima ng trafficking ang na-repatriate mula Myanmar nitong Marso 25-26, sa tulong ng Inter-Agency Council Against Trafficking.
Iniulat din ni Viado, na marami sa mga biktima ang umalis ng bansa gamit ang pekeng dokumento bilang turista, mag-asawa, o overseas worker, ngunit nauwi sa illegal na trabaho.
Hinimok ni Viado ang patuloy na pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno, upang pigilan ang ganitong modus at protektahan ang ating mga kababayan. | ulat ni Lorenz Tanjoco