Pinagtulungan ng ilang miyembro ng grupong Manibela ang isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos matiketan ang kanilang mga pampasaherong jeep na iligal na nakaparada sa San Juan City.
Ito ay kasunod ng kilos-protesta ng grupo sa harap ng Department of Transportation (DOTr) kaugnay sa usapain ng Public Transport Modernization Program.
Ayon kay MMDA Special Operations Group Strike Force Head Gabriel Go, nagsagawa sila ng clearing operation matapos makatanggap ng ulat tungkol sa mga jeep na nakaparada sa Connecticut Street corner EDSA na itinuturing na Mabuhay Lane.
Nang hingan ng permit ang grupo para pumarada sa naturang kalsada, wala silang naipakita, kaya’t tiniketan ang mga nakaparadang jeep.
Dito na umano sinimulang kuyugin ng ilang miyembro ng Manibela ang isang enforcer, na siniko, sinuntok, at hinampas sa ulo. Mabuti na lamang at may suot siyang helmet kaya’t hindi siya nasaktan maliban sa nasirang visor.
Wala namang naiulat na malubhang nasugatan sa insidente, ngunit pansamantalang ipinahinto ng MMDA ang kanilang operasyon.
Iginiit ni Go na hindi nila kukunsintihin ang ganitong karahasan at kanilang ikokonsulta sa legal department ang mga susunod nilang hakbang. | ulat ni Diane Lear