Walang epekto sa mga pasahero sa Quezon City ang unang araw ng transport strike ng grupong MANIBELA.
Ayon kay QC Transport and Traffic Management Department Head Dexter Cardenas, walang pasaherong na-stranded kahapon.
Na-monitor naman ang kilos-protesta ng grupong MANIBELA sa ilang bahagi ng lungsod kabilang ang Philcoa, Shell Gulod, at University of the Philippines habang support rally naman ang isinagawa sa tapat ng tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Tinutukan ng QC TTMD ang pagtalima ng mga grupo sa mga alituntunin sa trapiko para hindi maantala ang daloy ng mga sasakyan para sa kapakanan ng mga motorista at commuter.
Una nang siniguro ng QC LGU na magpapatuloy ang QC Libreng Sakay Bus Augmentation Program para magbigay ng libreng transportasyon sa mga pasahero sakaling may maapektuhan ng transport strike.
May itinalaga ring mga E-trike at E-Bus sa National Housing Authority (NHA) sa Elliptical Road para palakasin ang serbisyo ng QCity Buses. | ulat ni Merry Ann Bastasa
QC FB page
