Nagalit si Transportation Secretary Vince Dizon nang makita ang kalagayan ng mga pasahero sa Siargao Airport.
Ito ay matapos ang ginawang pag-inspeksyon ng kalihim sa nasabing paliparan kung saan siksikan ang mga pasahero at mainit ang lugar.
Dahil dito, agad na ipinag-utos ang pagtanggal sa VIP lounge upang mapalawak ang espasyo para sa mga pasahero.


Ayon kay Secretary Dizon, hindi kailangan ng VIP lounge lalo na’t kulang na kulang ang lugar para sa mga ordinaryong pasahero. Pinuna rin niya ang mabagal na proseso ng seguridad dahil sa redundant na X-ray machine, kaya’t inutusan ng kalihim ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na agad itong alisin.
Bukod dito, ipinag-utos din ni Dizon ang agarang paggawa ng modular expansion upang mapataas ang seating capacity ng Passenger Terminal Building (PTB).
Plano naman ng Department of Transportation na gawing international hub ang Siargao Airport pabibilisin ang mga proyekto para sa pagpapahaba ng runway at pagtatayo ng bagong world-class passenger terminal upang higit pang mapalakas ang turismo sa isla. | ulat ni Diane Lear