Nanawagan si Transportation Secretary Vince Dizon sa pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) na magdagdag ng lane at pansamantalang alisin ang toll fee sa mga motorista sa northbound side ng expressway, partikular sa Balintawak hanggang Marilao, habang isinasagawa ang pagkukumpuni sa nasirang Marilao Interchange Bridge.
Ayon kay Dizon, hindi makatarungan na maningil pa ng toll ang NLEX habang matinding trapiko ang dinaranas ng mga motorista.
Bilang tugon, nagbukas ang NLEX ng karagdagang lane upang mapabilis ang daloy ng trapiko. Samantala, pinagpapaliwanag na ng Toll Regulatory Board ang NLEX kung bakit hindi ito dapat patawan ng multa sa pagpapapasok ng truck na may labis na taas, na naging sanhi ng pinsala sa tulay.
Kasabay nito, nagsampa naman ng kaso ang NLEX laban sa driver at may-ari ng truck.
Tiniyak ni Dizon na patuloy itong nakikipag-ugnayan sa NLEX upang mapabilis ang pagkukumpuni sa tulay at maresolba agad ang problema sa trapiko. Aniya, target na matapos ang pagsasaayos ng tulay sa loob ng dalawang linggo. | ulat ni Diane Lear