Nanawagan si Representative Marissa Magsino para sa agarang tulong at proteksyon para sa mga kababayan nating naaresto sa Qatar dahil sa umano’y hindi awtorisadong political demonstrations.
Giit niya na bilang mga Pilipino, sila ay dapat mabigyan ng tamang consular assistance at matulungang masiguro ang due process para sa kanila alinsunod sa mga umiiral na batas sa Qatar.
Umapela din ang mambabatas sa mga overseas Filipino worker (OFW), na bagamat naiintindihan ang kanilang sentimyento ay mahalaga pa rin na igalang ang mga lokal na batas at regulasyon sa mga bansa kung nasaan sila, para maiwasan ang ganitong mga sitwasyon.
Ipinaalala rin ng kinatawan ang abiso ng ating embahada, na umiwas sa mga aktibidad na maaaring magdulot ng legal na suliranin.
“Patuloy kaming makikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers, sa ating embahada, at Migrant Workers Office upang matiyak na maibibigay ang nararapat na tulong sa ating mga kababayan. Hindi natin sila pababayaan.” sabi ni Magsino | ulat ni Kathleen Forbes