Sinabi ni Alyansa para sa Bagong Pilipinas senatorial candidate at Makati Mayor Abby Binay na isusulong niya ang pananaw ng mga local government sa pagpapaigting ng pambansang batas upang matiyak na ang mga ito ay tumutugon sa tunay na sitwasyon sa mga komunidad.
Ginawa ni Binay ang pahayag sa kanyang pagbisita sa Santo Tomas, Batangas, kung saan mainit siyang tinanggap ng mga residente at lokal na opisyal.
Ayon kay Binay, isa sa mga pangunahing dahilan ng kanyang pagtakbo sa Senado ay ang kanyang pagkadismaya sa ilang national laws na naipapasa nang walang sapat na konsultasyon sa mga lokal na pamahalaan, na nagreresulta sa hindi maayos at epektibong pagpapatupad ng mga ito.
Binigyang-diin ni Binay ang Solo Parent Act bilang halimbawa, kung saan ang mga lokal na pamahalaan ang pinagkukunan ng pondo para sa buwanang allowance ng mga solo parent.
Ayon kay Binay, ang pagiging isang local chief executive ang magbibigay sa kanya ng kakayahang itulak ang mga polisiya na mas angkop sa tunay na kalagayan ng mga lokal na pamahalaan.
Muli rin niyang iginiit ang pagkakaroon ng regular na sahod, pati GSIS at PAGIBIG coverage para sa mga opisyal ng barangay.
Binisita rin ni Binay ang Calamba City Hall, Biñan, Sta. Rosa, Cabuyao, at San Pedro ngayong araw. | ulat ni Melany Valdoz Reyes