Inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na payapa at walang naitalang anumang insidente ng kaguluhan sa unang araw ng tigil-pasada ng grupong Manibela.
Ayon kay NCRPO Director Brig. Gen. Anthony Aberin, walang anumang untoward incident ang naitala sa pagtatapos ng unang araw ng transport strike.
Nauna nang nagpahayag si Aberin na nagpakalat ang NCRPO ng mahigit 8,000 pulis sa buong Metro Manila at mananatili ang nasabing bilang sa loob ng tatlong araw.
Nagbabala rin si Aberin na aarestuhin ang mga manggugulo sa tigil-pasada.
Kasama ring binabantayan ng NCRPO ang posibleng pangha-harass ng mga driver sa kapwa nila driver na nais pumasada.
Bukod dito, pinagana na rin ng NCRPO ang reactionary standby support force para magbigay ng dagdag na puwersa kung kinakailangan.
Umaabot naman sa 139 na sasakyan ng NCRPO at lokal na pamahalaan ang nagbigay ng libreng sakay sa mga pasaherong apektado ng transport strike. | ulat ni Diane Lear