Kumbinsido ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bigo ang unang araw ng transport strike ng grupong MANIBELA.
Sa isang pahayag, ipinunto ng LTFRB na kakaunti lang ang lumahok sa naturang tigil-pasada at halos hindi ito nakaapekto sa mga commuter.
Malayo aniya ang bilang ng mga lumahok sa protesta ng MANIBELA kung ikukumpara naman sa ikinasang support rally ng iba’t ibang major transport groups na nananawagan ng pagpapatuloy ng Public Transport Modernization Program (PTMP).
Sa tala ng LTFRB, kabilang sa mga nakilahok sa iba’t ibang support rally ang National Federation of Transport Cooperatives (NFTC), Tindig Cabarzon, Arangkada NCR, ALTODAP, ACTO, BusINA, at Pasang Masda.
Una nang nilinaw ni LTFRB Chair Guadiz na aabot na sa 86% ang consolidation rate batay sa datos ng mga nag-apply na Transport Service Entities (TSEs).
Patunay lamang aniya ito na marami na ang yumakap sa programa ng modernisasyon ng pampublikong transportasyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa