Mariing kinondena ng Western Mindanao Command (WesMinCom) ang brutal na pamamaslang sa Election Officer sa bayan ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte na si Atty. Bai Maceda Abo gayundin sa asawa nito.
Kaugnay niyan, inatasan na ni WesMinCom Chief, LtGen. Antonio Nafarrete, Joint Task Force Central na makipag-ugnayan sa Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), para tugisin ang mga salarin sa krimen.
Binigyang diin pa niya, walang puwang sa lipunan ang mga gumagawa ng karumal-dumal na krimen at hindi dapat sirain ng mga ito ang mga napagtagumpayang kasunduan para sa kapayapaan.

Kasunod niyan, ipinag-utos din ng WesMinCom Chief ang pagpapaigting ng seguridad upang maiwasan ang karahasan at tiyakin ang kapayapaan sa lugar.
Samantala, nanawagan naman si Nafarrete sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang papanagutin ang mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen. | ulat ni Jaymark Dagala