Photo courtesy of Department of Agriculture RFO X
Ngayong dry cropping season, pumalo sa 1.7 toneladang puting mais ang matagumpay na naani ng mga magsasaka ng San Roque Farmers Association (SRFA) mula sa bayan ng Panaon, Misamis Occidental nitong Marso.
Ang naturang asosasyon ay benepisyaryo ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) program ng Department of Agriculture (DA).
Taos-puso ang pasasalamat ni SRFA President Elmer Dahilog sa pamahalaan dahil napagkalooban sila ng binhi at pataba, na naging dahilan ng magandang ani ng kanilang pananim.
Samantala, napagkasunduan ng grupo na ibenta ito, kung saan ang 40% ng kita ay ilalaan sa pondo ng asosasyon at ang 60% naman ay paghahatian nila.

Sa susunod na taniman, mani naman ang kanilang itatanim bilang bahagi ng crop rotation upang mas mapabuti ang ani at kondisyon ng lupa.
Maliban sa mais, abala rin ang SRFA sa pagpapalaki ng free-range chicken at produksyon ng itlog.
Sa ngayon, nakabenta na sila ng mahigit 1,000 itlog, katumbas ng ₱9,000, at plano rin nilang magsimula ng vegetable farming ngayong taon.
Patuloy naman ang suporta ng pamahalaan sa mga magsasaka upang mas mapataas pa lalo ang kanilang ani at kita. | ulat ni Sharif Timhar | RP Iligan