Tinanggap ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) bilang oportunidad ang bagong 17% tariff na ipinataw ng Estados Unidos sa mga produktong gawa sa Pilipinas, sa kabila ng mga hamong maaaring idulot nito sa mga kumpanya sa loob ng economic zones.
Ayon sa PEZA, ang mga industriya ng electronics at IT-BPM ang pinaka-apektado, na bumubuo ng mahigit 70% ng export sales. Gayunman, binigyang-diin ng ahensya na mas mababa pa rin ang 17% tariff kumpara sa mga karatig-bansa gaya ng Vietnam na may 46% at Thailand na may 36%—na nagpapakita umano ng mas malapit na ugnayang pang-ekonomiya ng Pilipinas at US.
Kaugnay nito, isinusulong ng PEZA ang “China+1+1” strategy upang hikayatin ang mga negosyong nakabase sa China na mag-expand sa Pilipinas. Ikinokonsidera rin ang panukalang sector-specific tariff reductions para sa electronics at IT-BPM, lalo’t maraming US-based companies ang nakikinabang sa mga produktong Pilipino.
Binigyang-diin ng PEZA at mga opisyal ng pamahalaan na sa kabila ng bagong taripa, nananatiling bukas ang oportunidad para sa mas malalim na ugnayang pangkalakalan ng Pilipinas at US—na makatutulong sa paglago ng ekonomiya at paglikha ng trabaho sa bansa. | ulat ni EJ Lazaro