Nanawagan si senatorial candidate at Makati Mayor Abby Binay para sa mahinahong pagtugon sa mga insidente ng karahasan sa ilang public schools sa Metro Manila na kamakailan ay naging trending sa social media.
Aniya, hindi solusyon ang pagpapatupad ng mas mahigpit na hakbang para sa seguridad dahil masama ang magiging epekto nito sa mga mag-aaral.
Paliwanag ni Binay, kapag nagmistulang “war zone” ang mga eskwelahan, magkakaroon ng takot ang mga mag-aaral sa tuwing sila ay papasok, imbes na maramdaman nilang ligtas sila.
Aniya, isolated cases lamang ang mga nakaraang insidente at wala namang insidente ng mass shooting o pamamaril sa eskwelahan sa bansa, di tulad sa Estados Unidos.
Hinimok din ni Binay ang mga school administrator, faculty, community leaders, mga magulang at guardian na magtulungan upang mapanatiling ligtas ang mga paaralan, lalo na sa pagpapatupad ng Anti-Bullying Act.
Aniya, hindi ito kayang gawin mag-isa ng mga tagapamahala ng paaralan, at binigyang-diin niya ang tungkulin ng mga magulang at guardian sa pagpigil sa bullying at anumang insidente ng karahasan bunga nito.
Tinukoy din ni Binay ang malalang kakulangan sa guidance counselors na iniulat ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2. Kailangan aniyang matugunan ito kaagad sa harap ng lumalalang insidente ng bullying sa mga paaralan sa bansa. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes