Tiniyak ng mga pambato ng administrasyon sa Senado sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang kanilang suporta sa pagpapaunlad pa ng Rizal.
Sa pulong balitaan, natanong ang Alyansa candidates kung ano ang maaari nilang magawa para sa sustainable urban development at mas maayos na public service sa lalawigan.
Ayon kay ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo, sakaling palarin silang makaupo sa Senado ay makikipag-ugnayan sila sa mga district representatives ng Rizal upang matiyak ang tamang pondo sa mga programa at proyektong makakatulong sa urbanidad ng lalawigan.
“Unang-una po sa lahat, we have district representatives dito po sa inyong lalawigan. So I am sure ‘yong mga problems po ng mga tao dito would be brought sa atensyon ng Congress to allocate funding. Siyempre, aakyat po sa amin ‘yan sa Senado. Definitely, if I would be elected and all of us would be elected, we will support that definitely… Kung kailangan nila ng mga urban development, napapansin din nga natin na talagang medyo ma-traffic na, masikip ‘yong mga kalsada, kailangan ‘yong mga infrastructure. Kung kailangan ng suporta na additional funding for projects, then we will support,” sabi ni Tulfo.
Sabi naman ni dating Sen. Ping Lacson, swerte ang mga taga-Rizal dahil alam ng kanilang mga lider ang kanilang ginagawa.
Patunay dito ang pagkilala sa Rizal bilang Most Competitive Province ng DTI.
Habang nitong 2024 naman, kinilala ang Antipolo City bilang Most Business-Friendly Component City sa buong Pilipinas.
“So kung public service ang pag-uusapan, sa tingin ko maswerte na ‘yong mga rito dahil ‘yong pamunuan ginagawa ‘yong kanilang dapat gawin. Ngayon, sa area naman ng legislation, siyempre makakatulong kami kung ano ‘yong pwedeng mai-augment sa national budget para matulungan pa ‘yong pag-urbanize, ma-speed up pa ‘yong pag-urbanize ng Antipolo City pati ‘yong mga karatig-bayan ng Antipolo sa probinsya ng Rizal,” ani Lacson.
Hirit naman ni dating Senate President Tito Sotto, puro maganda at positibong balita ang nakukuha niya mula sa mga lokal na lider ng Rizal, lalo na at mga kapartido niya ang karamihan sa kanila.
“One thing I am sure of, and please correct me if I am wrong, but I think the leaders of Rizal are doing very well and they’re exceptional public servants. Congressman Jack Duavit, Congressman Jojo Garcia, Congressman Acop, Governor Nina Ynares, Jun Ynares—especially the Mayor—wala akong naririnig, walang nakakarating sa akin na complaints sa kanila, and I receive because kapartido ko sila, NPC,” pagbabahagi ni Sotto.
Sinegundahan ito ni dating DILG Secretary Benhur Abalos at ibinahagi na ginawaran aniya nila ng parangal ang Rizal dahil sa good governance.
Kaya naman, dahil mas maalam ang lokal na pamahalaan sa pangangailangan ng lalawigan, ang magagawa nila ay suportahan ang mga proyektong ilalatag ng Regional Development Council.
“…Alam niyo, ang rapid urbanization merong problema ‘yan—problema sa basura, problema sa traffic, problema sa baha. Importante rito ang planning, ang city planning—napaka-importante po niyan. At ang nakakaalam ng solusyon dito ay mismo ang local, sila mismo ang nakakaalam, at dinadala ‘yan sa Local Development Board to the Regional Development Board… Kung ano ang sabihin ng Local Development Council, susuportahan namin. Dahil mas alam nila ang problema ng lugar nila, at mas alam nila ang solusyon na dapat gawin sa lugar nila. We will really help strengthen this process, lalo pagdating sa Regional Development Council,” diin ni Abalos. | ulat ni Kathleen Forbes