Nanawagan si dating DILG Secretary at Alyansa senatorial candidate Benhur Abalos na muling suriin ang umiiral na protocol ng pamahalaan sa pagtugon sa “The Big One”.
Kasunod ito ng tumamang 7.7 magnitude na lindol sa Myanmar at Thailand.
Para sa dating kalihim at dati ring MMDA chair, ang epekto ng lindol ay isang wake-up call para sa mga awtoridad ng gobyerno upang muling suriin at i-update ang umiiral na protocol para sa “The Big One,” na maaaring tumama sa Metro Manila.
Bukod sa regular na pagsasagawa ng earthquake drills, binigyang-diin ni Abalos ang pangangailangang palawakin ang pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa mga dapat gawin pagkatapos ng isang malakas na lindol, hindi lamang para sa mga residente ng Metro Manila kung hindi pati na rin sa lahat ng ahensya ng gobyerno.
Mas maigi kasi aniya na alam na ang mga dapat na gawin at tugon, upang mas maraming buhay ang mailigtas lalo na sa loob ng mga unang oras matapos ang sakuna.
“Mahalaga na alam ng ating mga kababayan ang gagawin at alam na alam at kabisado na ng mga ahensya ng pamahalaan ang gagawin in case mangyari nga itong kinatatakutan nating the Big One,” saad ni Abalos.
Kasabay naman nito ay nagpaabot ng pakikidalamhati si Abalos sa mga residente ng dalawang bansa na naapektuhan ng kalamidad. | ulat ni Kathleen Forbes